Monday, December 27, 2021

CHAPTER 43


PROPOSAL

 


 

“BESTIE!!!” dinig kong malakas na sigaw ni Alex nang makita niya akong naghihintay sa ibaba ng escalator na kinatatayuan niya. Kumakaway-kaway pa siya at halata sa kaniya ang sobrang excitement. Marahil kung wala lang ang mga tao sa harapan niya ay kumaripas na siya pababa para lapitan ako.

Kinawayan ko na rin ang aking mga kaibigan na kakarating lang dito sa Miami International Airport. Nakatayo sa tabi ni Alex ang boyfriend niyang si Nick at nakangiting kumaway rin ito. Pagkatapos ng ilang segundo ay naabot na rin nila ang aking puwesto.

“I missed you, Bestie!” sambit ni Alex ng mahigpit niya akong yakapin. Natatawa pa ako ng nagmamadali siyang maglakad kanina palapit sa akin. Nakasunod lang sa kaniya ang kaniyang nobyo.

“I missed you too.” Ilang segundo pa kaming nanatiling magkayakap bago naghiwalay.



“Kumusta, pre?” tanong ni Nick nang lumapit at makipagkamay siya sa akin.

Hawak ng isa niyang kamay ang isang maliit na maleta samantalang may pasan-pasan siyang backpack. Nakasuot siya ng isang pares ng aviator sunglasses, itim na long sleeve sweater na fit sa kaniyang katawan, dark jeans at brown na leather boots. Pansin ko na marami ang napapatingin sa kaniya. Artistang-artista talaga ang kaniyang dating.

“Ayos naman. Welcome to Miami! Kumusta ng flight niyo?” balik kong tanong sa kaniya.

“Okay naman. First class eh,” natutuwa niyang sagot.

“Naks! That’s good. Anyway, may kukunin pa ba kayong bagahe?”

“Oo, Bestie,” tugon ni Alex. “Poji, anong carousel number ang sabi nila kanina kung saan natin makukuha ang ating mga maleta?” tanong niya sa kaniyang nobyo.

“Number twenty-eight daw,” wika ni Nick.

Lumingon-lingon pa kami sa mga signs na naririto para alamin kung saang direksyon naroroon ang binanggit na numero ni Nick at pagkatapos ay pinuntahan na namin ito.

“Nasaan ang fiancé mo?” tanong ni Alex habang naglalakad patungo kung saan maraming tao ang naghihintay.

“Napa-extend ang shift niya sa work eh kaya hindi siya nakasama. Late raw kasi ‘yung papalit sa kaniya. Pero malamang, ‘pag dating natin sa bahay, andoon na ‘yon,” tugon ko.

“Ah, okay. Patingin nga ng singsing mo.”

Bago ko pa iangat ang aking kaliwang kamay ay inabot na niya ito. Tinitigan niya ang singsing na nakasuot sa aking ika-apat na daliri.

White gold ito na singsing na may maliit na bilog na diamond sa gitna. Polished at beveled ang gilid nito.

“Not bad,” komentaryo niya.

I guess pasado sa kaniya ang binigay na alahas sa akin ng aking fiancé.

Naabot na namin ang baggage carousel kung saan lalabas ang kanilang mga dalang bagahe. Umiikot na ito pero walang pang mga bagahe na nakapatong dito.

Nakita kong may lumapit kay Nick na tatlong Pilipinang naghihintay rin dito para magpakuha ng larawan kasama ang boyfriend ni Alex. Mukhang nakilala nila ang aming kasama kahit may sunglasses siyang nakatakip sa kaniyang mga mata. Wala silang kamalay-malay na ang katabi ko ngayon ang nobyo ng artistang hinahangan nila. Hindi kasi nila ipinapahalata kapag may ibang tao ang tunay nilang relasyon.

“Does that bother you?” tanong ko sa aking katabi patungkol sa ginagawa ni Nick ngayon.

“It used to pero nasanay na rin ako. Natutunan ko nang tanggapin na parte ‘yan ng kaniyang pagiging artista.”

Tumango-tango ako ng marinig ang kaniyang sagot. Natutuwa ako sa ipinagbago ng aking matalik na kaibigan na ito. Pansin kong mas naging mature siya mula ng iwan ko siya kay Nick.

“Mas gumaguwapo ka yata ah. Iba talaga kapag sagana sa dilig,” papuri ko sa aking kaibigan.

“Ikaw rin naman eh,” balik niya sa akin.

Bago pa kung saan mapunta ang aming pambobola sa isa’t isa, nabaling ang aming atensiyon sa umiikot na baggage carousel. Sakto kasing nag-umpisa nang isa-isang maglabasan ang mga bagahe ng mga pasahero na naririto. Nilapitan na naming tatlo ito.

Abala ang lahat sa either pagdampot or di kaya naman ay sa matiyagang pag-aabang at paghahanap ng kanilang mga maleta. Halatang nagmamadali ang mga naririto para makalabas na ng airport na ito.

Pagkatapos ng ilang minuto ay nakuha na rin namin ang kanilang apat na malalaking maleta.

Potek! Dito na ba titira ang mga ito?

Kasabay ng ilang pasahero na may hila-hila at bitbit-bitbit na mga maleta, tinungo na namin ang aking kotse na pansamantala kong ipinarada sa parking garage ng airport na ito.

“Wow! Astig ng kotse mo, pre! ‘Di ka na talaga ma-reach,” sambit ni Nick ng makita ang aking sasakyan. Umikot pa siya sa palibot ng aking convertible Porsche para mas makita ito.

“Gusto mo i-drive, pre?” alok ko sa kaniya sabay abot sa kaniya ng susi.

““Naku, pre! ‘Wag na. Baka maibangga ko lang ‘yan. Sayang naman,” pagtanggi niya.

Isa-isa na naming inilagay sa frunk ng aking kotse ang kanilang mga maleta. Ang iba ay sa loob na namin ipinasok.

"May tao bang nasa loob ng maleta niyo? Sobrang bigat eh,” puna ko habang buhat-buhat ang isang kulay pulang maleta para ipasok sa aking kotse.

"Oo, pre, andiyan si Soy kaya pakiingatan na lang ‘yan,” pabirong sagot ni Nick.

Si Alex na ang nagprisintang umupo sa likuran samantalang si Nick ang pumuwesto sa passenger seat sa harapan.

“Sure kang ayaw mong i-drive?” muli kong tanong sa lalaking nakaupo sa tabi ko.

“Oo, pre. Next time na lang siguro,” tugon ng kasintahan ng aking kaibigan. “Basta kapag kailangan mong ipamigay ulit itong kotse mo, ‘wag mo akong kakalimutan ha. Una dapat ako sa listahan.”

“Excuse me, poji, ako ang bestfriend,” pagsingit ni Alex.

“Ako naman ang boyfriend ng bestfriend,” banat ni Nick.

“Oo na. Huwag na kayo mag-away. Baka ito pa ang maging dahilan ng hiwalayan niyo.” Tumingin ako sa rearview mirror at nagtama ang mga mata namin ni Alex. Kita kong magkasalubong ang kaniyang mga kilay.

Pinindot ko ang ‘Top Down’ button at dahan-dahang bumukas ang bubong ng aking sasakyan. Tumiklop ito papunta sa likuran. Kita ko pa rin kay Nick ang labis na paghanga sa aking kotse dahil sa pagtitig niya sa dashboard at mga features na nasa harapan nito.

Dahil medyo mabigat ang traffic ngayon sa mga kalye, inabot kami ng halos apatnapung minuto bago kami nakarating sa aming tinitirahan. Inaliw na lang namin sa pagkukuwentuhan ng mga na-miss namin sa isa’t isa. Isa pa ay na-distract kami sa pagtingin sa mga nagkikislapang Christmas lights and decorations na nakapalamuti sa tabi ng kalye at sa iba’t ibang lugar na aming nadaanan ngayong gabi. Dalawang araw na lang kasi at Pasko na.

Habang naglalakad sa kahabaan ng hallway papunta sa aming tinitirahan ay may nakasalubong kaming lalaki at tinitigan ko ito. Hindi ko siya masyado namukhaan dahil nakatungo siya ng bahagya at may suot siyang baseball cap. Abala siya sa pagta-type sa kaniyang cellphone habang naglalakad. Sigurado akong hindi namin siya kapitbahay dahil kilala ko ang lahat ng nakatira rito sa floor namin.

“Babe, we’re home!” malakas kong sigaw ng makapasok kami sa aming condo.

Sinalubong kami ng aking pusa kaya dinampot ko ito.

“Bangky, look’s who’s here. Kilala mo pa ba siya?” tanong ko sa aking alaga habang nakadikit ito sa aking dibdib. Iniharap ko siya sa mga bagong dating na bisita.

“Oh, my God! Bangky! I miss you, baby!” excited na sabi ni Alex ng makita kung sino ang hawak ko. Hinaplos-haplos niya ang aking pusa nang lumapit siya sa amin. Kalaunan ay ipinasa ko ang aking pusa sa kaniya.

Ipinagpatuloy ni Alex ang paghagod niya sa katawan ni Bangky. Mukha namang naaalala niya ang kumakarga sa kaniya ngayon dahil nag-eenjoy na ang aking pusa at nag-umpisa na siyang mag pur.

“Poji, can take a picture of us please?” paki-usap ni Alex sa kaniyang nobyo.

Malugod namang sumunod ang lalaki at kinunan sina Alex at Bangky ng larawan. Tinawag na rin ako ni Bestie pagkatapos at isinama ako sa picture. Kung kanina ay si Nick ang kinukuhanan ng larawan, ngayon naman ay siya ang kumukuha nito.

Nasa ganito kaming tagpo ng lumitaw ang aking fiancé dito sa may living room area mula sa aming kuwarto.

“Babe, magdamit ka nga muna,” utos ko sa kaniya ng makita siya. Nakasuot lang kasi siya ng itim na boxer briefs at walang damit na pang-itaas. Kita tuloy ang matambok niyang dibdib at ang mga pandesal sa kaniyang tiyan.

“Why? Wala namang malisya sa ating apat eh,” pangangatwiran niya.

Lumapit na siya kina Alex at Nick at isa-isa niyang niyakap ang mga ito.

“Wala ba talagang malisya, bes?” sambit ni Alex habang magkayap sina Caleb at Nick. Bitbit pa rin niya si Bangky.

“Of course not, bro. ‘Di ba, Nick? Anyway, welcome to our humble abode. Feel at home lang kayo ha,” sabi sa kanila ni Caleb.

You mean, maghubad din sila at mag underwear lang katulad mo?

“Do you guys want anything? Wine, juice, water? Ikaw, Nick, gusto mo ng beer?” alok niya sa aming mga kaibigan.

“Tubig na lang, Caleb. Salamat!” sagot ng guwapong nobyo ni Bestie.

“Me too. I’ll take some water too, please.” Aba! Nag-e-English na rin ang isa kong kaibigan.

Nagpunta na si Caleb sa kusina para kumuha ng mga hiniling ng aming mga bisita.

“Nice place, pre. Ang astig!” puri ni Nick sa aming tirahan. Tumango naman si Alex bilang pagsang-ayon.

“Thanks!”

Lumapit si Alex sa eight feet naming Christmas tree. Magkatulong kami ni Caleb na naglagay ng mga dekorasyon at palamuti rito. Sa tuktok nito nilagyan namin ng umiilaw na tala.

Inikot ko sila sa aming condo at dinala sila sa iba’t ibang parte nito. Dinala na rin namin ang kanilang mga bagahe sa kanilang magiging kuwarto.

Napagkasunduan namin ni Caleb na dito na muna sa spare bedroom namin dito sa aming condo unit mag-i-stay ang aming mga kaibigan habang andito sila sa Miami. Para na rin makapiling namin ang isa’t isa pagkatapos ng ilang buwang hindi pagkikita ng personal.

Lilipat na lang sila sa kalapit na hotel kapag dumating na ang mga magulang at kapatid ni Caleb bago ang aming kasal para sila naman ang gagamit ng bakante naming kuwarto.

Pagbalik namin sa sala ay nag-aabang na roon si Caleb. Nasa harapan niya sa ibabaw ng coffee table ang dalawang baso na may lamang tubig samantalang may hawak siyang wine glass na may lamang kulay pulang alak. Iniabot niya ang mga tubig sa aming mga kaibigan.

“Babe, magbihis ka na para makapag dinner na tayo,” muli kong utos ko sa aking fiancé. Gutom na kasi ako pati na rin sina Alex at Nick.

“What? I can’t go like this?” pangangatwiran niya. Alam ko namang nagbibiro lang siya.

“Babe, tapos na ang Halloween. No more scaring people.”

Iniikot niya ang kaniyang mga mata at inirapan ako.

“Okay, fine! I’ll be back,” sabi niya bago siya lumisan.

“Pagpasensiyahan niyo na. Kabuwanan eh,” pabiro kong palusot sa mga kaibigan ko habang nakaupo kami sa mahabang sectional dito sa sala. Katabi ni Alex si Bangky. Mukhang na-miss nga rin ng pusa ko ang dating nag-aalaga sa kaniya.

“Naiintindihan kita, pre. I get you,” nakangiting sabi ni Nick. Binato siya ng throw pillow ni Alex at napuno ng tawanan ang aming condo.

Kasalukuyan naming pinag-uusapan kung ano ang gusto nilang kainin ng bumalik na si Caleb. Mas disente na ang itsura niya ngayon dahil balot na ang kaniyang katawan ng t-shirt at pantalon.

Pagkatapos mag banyo nina Alex at Nick ay lumabas na kami para kumain ng hapunan. Napagkasunduan naming sa isang Mexican restaurant na lang magpunta.

“So, ready na ba kayo sa kasal niyo?” tanong ni Alex sa amin ni Caleb habang hinihintay ang aming mga order na inumin.

“Yeah. Everything is all set. Especially now na andito na kayo, kumpleto na tayo. We can even do the wedding tomorrow,” sagot ko.

Sandali akong tumigil sa pagtingin sa menu para kumuha ng tortilla chips na iniwan ng aming server dito sa aming lamesa at isinawsaw ito sa salsa na nasa tabi nito.

“Are you serious, babe?” tanong ng katabi ko habang ngumunguya siya ng chips. Napalingon siya sa akin.

“I was just kidding, babe.” Kinuha ko ang kaniyang kaliwang kamay at hinalikan ito.

“Eww! Get a room, guys!” reklamo ni Alex.

“Okay. We’ll be back guys. Mag quickie muna kami ha,” sagot ko.

“’Di ka pa rin nagbabago, Bestie. Malibog ka pa rin.”

“Nagsalita ang hindi. Birds of the same feather, fuck, este flock, together. Remember?” balik ko sa kaniya.

“Speak for yourself, Bestie. Nagbago na ako,” sabi niya.

“Is that true, Nick?”

“No comment, pre,” nakangiting sagot ng boyfriend ng aking kaibigan na nakaupo sa tabi niya. Abala siya sa pagnguya ng chips habang pumipili ng pagkain sa tangan niyang menu.

Dumating na ang aming server dala ang mga inumin na aming inorder. Margarita ang parehong inorder namin ni Alex samantalang tequila naman ang kay Nick at sangria ang kay Caleb. Ibinigay na rin namin ang aming mga order na pagkain.

“Eh, kayo ba, napapag-usapan niyo na ba ang pagpapakasal?” tanong ko sa kaibigan kong nakaupo sa tapat ko.

“Oo, minsan. Pero hindi naman kasi legal sa Pilipinas kaya hindi puwede.”

Sana nga dumating na ang araw na payagan na ang same sex wedding sa Pilipinas. Sana mabigyan na ng pagkakataon ang dalawang taong nagmamahalan, ano man ang kanilang kasarian, na mapatunayan ang kanilang pag-iibigan sa pamamagitan ng pag-iisang dibdib. Sana magkaroon na ang lahat ng miyembro ng LGBTQIA+ ng karapatang magpakasal, kapantay ng tinatamasang karapatan ng mga heterosexual couples.

“How about dito na lang din kayo magpakasal, bro?” suggestion ni Caleb.

“Tama! Better yet, sabay na lang kayo sa wedding namin. Double wedding tayo!” dagdag ko sa sinabi ng fiancé ko.

“Mahirap, pre. Tsaka moment niyo ‘yun. Ayaw naman naming makihati sa atensiyon na dapat sa inyo,” sabi ni Nick.

“We don’t mind, pre. Sige na. Sabay na kayo. Astig nun if ever!” paghikayat ko sa aming mga kaibigan.

Tingin ko ay magiging masaya iyon pag nagkataon. Sabay naming matutupad ni Alex ang pangarap niya at pangarap ni Dad sa akin na maikasal.

“Salamat na lang sa offer ninyo pero, I think, hindi pa kami handang magpakasal sa ngayon,” sabi ni Alex.

“Okay. But if you change your mind, just let me or Caleb know. We really don’t mind sharing that moment with you.”

Ilang saglit pa at dumating na ang aming mga inorder. Dahil sa gutom, naging tahimik at nag concentrate kami sa aming pagkain.

Kasalukuyang naririnig ang kantang “Feliz Navidad” dito sa loob ng restaurant.

“Bestie, excited na ako sa batchelor party mo,” sabi ni Alex pagkatapos niyang lunukin ang isang piraso ng chimichanga na kinuha niya sa plato ng kaniyang nobyo.

“Oo nga eh. I’m excited too,” sabi ko bago kumagat sa hawak kong beef taco.

First time naming sasakay sa isang cruise ship. Mabuti na lang at isa ito sa mga naisipang gawin ni Alex para sa aking batchelor party kaya bagong experience para sa amin ito. More importantly, mabuti na lang at pinayagan ako ni Caleb na gawin ito kahit mapapalayo ako sa kaniya ng ilang araw kabilang na ang pagsalubong ng Bagong Taon.

Si Alex na ang nag-asikaso ng lahat para sa aking batchelor party. Inanyayahan na rin namin sina Oliver at Roland at mabuti na lang at pumayag sila. Although halos apat na araw lang kaming mananatili sa cruise, sigurado akong magiging sobrang saya naming lima roon.

“Ikaw, Caleb, ano ang gagawin mo for your batchelor party?” curious na tanong ni Nick.

“Ah, dito lang sa Miami, bro. My good friend, Bryan, will be flying here from California. You remember him, Alex, right?” sagot ng aking katabi.

“Ah, oo. Siya ‘yung ipinakilala mo minsan sa amin sa club ko. Tama ba?” balik na tanong ni Alex.

“Yeah. That’s him.”

Idiniscribe nila ulit sa akin ang kaibigan ni Caleb na tinutukoy nila. Pamilyar ang itsura niya ng muling ipinakita sa akin ni Caleb ang larawan ni Bryan.

Ipinagpatuloy na namin ang aming pagkain habang patuloy na nagkukwentuhan.

“Teka, hindi pa pala natin kayo nabibinyagan ng couple’s name. Hmm… Ano bang maganda?” sabi ni Alex.

Potek! Eto na naman tayo. Hindi ko pa nakakalimutan ang malaswang pangalan na ibinigay niya sa amin ng ex ko. Ano naman kaya ang maiisipan nito ngayon para sa amin ni Caleb?

Kinuha niya ang kaniyang cellphone at tinayp niya ang pangalan namin ni Caleb para ma-visualize niya ang mga ito.

“The-cal… The-leb… Cal-the… Cal-eo… Hmm… Hirap naman,” reklamo niya.

“You don’t have to give us a name, bro,” sabi sa kaniya ni Caleb.

“No, no. Let me think.”

Ilang saglit pa kaming naghintay bago nagliwanag ang kaniyang mukha. Tila may bumbilyang umilaw sa kaniyang isipan.

“Ca-the!” bigkas niya sa pinagkabit niyang pangalan namin ng aking fiancé.

Napakunot ang aking ulo sa aking narinig. Binigkas niya kasi ito as “kati.”

“Grabe naman ‘yan, bro. Para namang sakit ang pangalan namin,” reklamo ni Caleb.

“Hindi naman. Pero kasi walang masyadong magandang options eh. ‘Yan lang ang pinaka-catchy,” paliwanag ng lalaking nasa tapat ko.

Nakita kong kumuyom ang kamao ng aking katabi. Hinawakan ko ang kaniyang kamay at tumingin siya sa akin. Tinanguan ko lang siya at naunawaan naman niya ang aking nais. Tumahimik na lang siya at hindi na nakipagtalo pa.

Hindi naman namin kailangan gamitin iyong couple’s name na binanggit ni Alex eh. Pinagbigyan na lang namin siya sa kaniyang trip.

Pagkatapos kumain ay naglakad na kami pabalik sa aking condo unit.

Nagpaalam na sina Alex at Nick para magpunta sa kanilang kuwarto dito sa aming condo. Inaantok na raw sila dahil sa pinaghalong pagkabusog at pagkapagod mula sa halos vienticuatro oras nilang paglalakbay.

“Why would he give us that shitty name?” naiinis na tanong ni Caleb habang magkatabi kaming nakahiga sa aming kama. Naunawaan ko naman ang kaniyang tinutukoy.

“Forget about it. Huwag mo nang alalahanin iyon,” pagpapakalma ko sa kaniya.

“Iniisip ba niyang sakit ang ating relasyon? Does he even approve me as your boyfriend and/or fiancé?”

“Oo naman, babe. Hindi ka na nasanay doon. Kilala mo naman ‘yon. Siraulo ang kaibigan natin kaya huwag mo nang intindihin ang sinabi niya.”

Hindi na sumagot ang aking katabi. Balak ko na lang kausapin si Alex at si Nick bukas at sabihan silang huwag nang babanggitin ang couple’s name na ibinigay ni Bestie sa amin para hindi na ulit mainis ang aking nobyo.

Kinabukasan ay muling pumasok sa trabaho si Caleb. Hindi kasi siya pinayagang makapag leave sa trabaho ngayong linggong ito dahil nga bago pa lamang siya at medyo short-staffed sila sa ospital.

Tanghali na bumangon sina Nick at Alex. Mukhang nag-aadjust pa sila sa ibang oras dito sa Florida.

Nang magkaroon ng pagkakataon, sinabi ko na sa kanila ang balak kong sabihin sa kanila tungkol sa aming couple’s name. Pumayag at naunawaan naman nila.

Pagkatapos mananghalian ay ipinasyal ko ang aming mga bisita dito sa Miami. Dinala ko sila sa South Beach at naglalakad-lakad kami sa kahabaan ng Ocean Drive. Nagmistulang photographer nila ako tuwing magpapakuha sila ng mga larawan sa harapan ng iba’t ibang lugar dito, kabilang na sa harapan ng mansion ng pinaslang na pamosong designer na si Versace.

Pumunta rin kami sa dalampasigan kung saan marami pa rin ang nagpapaaraw rito kahit buwan na ng Disyembre. Hindi nila alintana ang malamig na klima ngayong hapon na ito. Marami sa kanila ay kakarampot na tela lang ang suot at naririto para magpa-tan ng kanilang balat.

Niyaya ko silang mag boat tour at pumayag naman sila. Kasama ng ibang pasahero at turista na naririto, binagtas namin ang kahabaan ng Biscayne Bay. Dinala kami ng tourist guide sa tinatawag nilang Millionaire’s Row kung saan nakahilera ang mga magagarang bahay ng mga sikat na personalidad, tulad na lang nina Will Smith, Ricky Martin, Matt Damon, Shakira, Anna Kournikova, at iba pa.

Dumaan din ang aming sinasakyan sa palibot ng Fisher Island, isang ekslusibo’t pribadong island dito sa Miami na kung saan may bahay sina Oprah, Julia Roberts at Andre Agassi.

Nagbiruan pa kami ni Alex na kapag nanalo kami ng lotto ay bibili kami ng isang bahay doon. Tingin ko ay hanggang panaginip na lang iyon at hindi mangyayari kailan man.

Gabi na ng matapos ang aming tour. Nakatanggap ako ng mensahe mula kay Caleb na nasa bahay na raw siya. Sinabihan ko siyang i-meet kami sa ibaba ng aming condominium building kung saan namin siya susunduin para kumain ng hapunan sa labas. Nagtungo kami sa isang steak restaurant sa Downtown Miami.

“Caleb, pasensiya ka na kung nainis ka sa couple’s name na ibinigay ko sa inyo ni Bestie kagabi ha. Joke lang naman ‘yun. Please ‘wag mo sanang seryosohin,” sabi ni Alex sa aking fiancé habang kami ay kumakain.

“It’s okay, bro. It’s no big deal,” sagot ng aking katabi.

Pagkauwi sa aming tirahan ay napagpasyahan naming tumambay at mag-inuman sa aming terrace kung saan may nakasinding Christmas lights na iba’t iba ang kulay. Mayroon ding nakasabit na umiilaw na parol na inorder ko mula sa isang Filipino store sa Chicago. Kasalukuyang naririnig mula rito ang Christmas carol na “Ang Pasko ay Sumapit.”

“I’m happy para sa inyo, especially sa ‘yo, Bestie. Naging maayos ang buhay mo rito. I’m sure, proud na proud sa iyo ngayon si Tito David,” sabi ni Alex habang hawak niya ang isang baso na may lamang bourbon whiskey.

“Thank you, Alex. Hindi siya naging madali. May mga araw dati na kinukuwestiyon ko kung tama ba ang naging desisyon ko na lumipat dito at iwan kayo at ang komportable kong buhay roon sa Pilipinas. May pagkakataon na sobrang lungkot ko at ninais kong bumalik na lang doon at talikuran ang inumpisahan kong buhay rito. Mabuti na lamang at sumunod dito itong babe ko. He helped me a lot to get comfortable here. He helped me to start building dreams and goals here in Miami, not just for myself but also for our future,” salaysay ko. Nilingon ko ang aking fiancé at nginitian niya ako.

“Nami-miss mo pa ba ang Pilipinas, pre?” tanong ni Nick.

“Oo naman, pre. Sobra! Iba pa rin ang Pilipinas lalo na sa mga okasyong ito. Ibang-iba ang Pasko sa Pilipinas, pre. Tingnan mo naman ngayon. December twenty-three na pero ang tahimik. Kung nasa Pilipinas tayo, malamang nagpa-party tayo ngayon.”

“Sabagay. Kailan mo ba balak umuwi ng Pilipinas?” follow-up niyang tanong pagkatapos niya uminom ng alak.

“Sometime next year. Siguro around summertime para mag beach tayo. Pero depende iyonx kung hindi mabuntis itong babe ko,” pabiro kong sabi.

“You wish!” wika ni Caleb. Nagtawanan kaming lahat.

“May balak ba kayong magkaanak?” tanong ni Alex.

“We haven’t talked about it yet actually. Hopefully, we’ll have a Theo Junior someday.”

“Ilang anak ang gusto mo Caleb?” tanong ni Nick.

“Honestly, if I have a choice, ayokong magkaanak.”

Sandaling natahimik kaming tatlo nina Nick at Alex pagkatapos marinig ang sagot ni Caleb.

Well, this is awkward. I guess, we have stuff we need to talk about.

“I’m sure. One of us will change our mind in the future. Ie-enjoy na lang muna siguro namin ang aming mga sarili pagkatapos namin ikasal,” paliwanag ko.

Nagpatuloy ang aming kuwentuhan at inuman. Nang medyo hindi na kinakaya ng aming mga bisita ang lamig dito sa labas, napagdesisyunan naming lumipat sa aming sala para doon ipagpatuloy ang aming ginagawa. Nauna ng matulog si Caleb dahil may pasok pa ulit siya bukas. Kami namang tatlo ay lampas hatinggabi na ng natapos.

Bisperas na ng Pasko ngayon. Nanatili lang kami dito sa condo ngayong araw na ito. Nag-relax-relax lang kami para may lakas kami mamaya pagpunta sa bahay ni Tita Luz para doon mag Noche Buena.

Pagkatapos mag-agahan ay bumalik kami sa pagtulog. Pagsapit naman ng hapon ay nagtungo kami sa gym na nasa ibabang palapag ng building at doon ay nagpapawis.

Kasalukuyan akong naliligo ng dumating si Caleb mula sa kaniyang trabaho. Isa-isa niyang hinubad ang kaniyang mga damit at sinamahan ako sa paliligo. Salitan naming sinabunan ang katawan ng isa’t isa tapos nagbanlaw sa maligamgam na tubig na lumalabas sa shower na nasa taas ng aming ulo.

“Babe, what should I wear?” tanong ni Caleb habang nakatayo sa harapan ng mga naka-hanger naming damit sa closet. Nakasuot lamang siya ngayon ng itim na Calvin Klein briefs.

“Isuot mo na lang ‘yung binili ko sa ‘yong red shirt,” sagot ko sa kaniya habang tini-trim ko ang aking balbas.

Pagkalabas ko ng banyo ay suot na niya ang red at white na checkered long sleeve shirt na binili ko noong isang araw. Naka-tuck in ito sa loob ng kaniyang itim na pantalon na may nakapalibot na sinturon sa baywang nito. Ang guwapo ng itsura niya ngayon. Bagay na bagay sa kaniya ang damit na binili ko.

“Iba na lang kaya ang suotin mo, babe. Ang hot mo kasi ngayon eh. Baka may mang-agaw pa sa akin sa ‘yo eh,” biro kong sabi sa kaniya.

Binato niya lang sa akin ang ginamit niyang puting tuwalya na dinampot niya mula sa aming kama. Umupo siya sa bench na nasa paanan ng kama at nagsuot ng medyas.

Nagbihis na rin ako. Nagsuot lang ako ng t-shirt at khaki pants. Pinatungan ko ang aking t-shirt ng kulay cream na makapal na sweater na gawa sa wool. May isang kulay brown na butones sa itaas para sa collar na nakapalibot sa aking leeg.

“I love your sweater, Bestie!” bati ni Alex sa aking suot ng makita ko siyang naghihintay at nakaupo sa sectional sofa habang umiinom ng red wine.

“Thank you. You look good too,” balik kong papuri sa kaniya. Kagaya ni Caleb, nakasuot din siya ng checkered shirt na may red, blue at white stripes. Tinakpan niya ito ng bluish-gray na sweater na nakakabit ang tatlong butones sa kaniyang bandang tiyan. Kulay dark red ang suot niyang pantalon.

“Nasaan si Nick?” tanong ko sa kaniya.

“Nasa terrace. Alis na ba tayo? Teka, tawagin ko.” Tumayo na siya at pinuntahan ang kaniyang nobyo. Bago umalis ay kinuha ko ang hawak niyang wine glass at ininom ko ang natitirang laman nito.

Kasalukuyan kaming nasa kusina ni Caleb ng pumasok ang aming mga kaibigan. Ilang saglit pa ay lumabas na kami ng aming condo, bitbit ang ilang bag na may lamang mga regalo at iba’t ibang uri ng alak. Hindi ko na kasi nagawang magluto kaya ito na lang ang aking contribution sa magiging handa namin mamayang gabi.

“Merry Christmas, Kuya Theo!” bati sa akin ng pinsan kong si Sofia, ang bunsong anak nina Tita Luz at Tito Jose, nang pagbuksan niya kami ng pintuan. Niyakap ko siya at ipinakilala ang aking mga kasama. Ipinakilala rin niya kami sa kaniyang bagong boyfriend. Nasorpresa ako rito pero masaya ako para sa kaniya.

Hijo, Theo, Merry Christmas!” bungad sa akin ng ate ni Dad ng dalhin ko ang aming dalang mga alak sa dining room. Mahigpit kaming nagyakapan.

Ilang linggo na rin ng huli kaming nagkita nitong nakatatandang kapatid ng aking ama na kumupkop sa akin nang lumipat ako rito sa Amerika ilang buwan na ang nakakaraan.

Lumapit na rin sa amin si Caleb na sinalubong din ng yakap ni Tita.

“Kumusta na ang wedding preparations niyo? Handa na ba ang lahat? Kung may maitutulong ako, magsabi lang kayo ha,” sabi ng babaeng kaharap namin na kahawig ng aking ama.

“Thank you po, Tita, pero ready na po ang lahat,” sagot ni Caleb.

“That’s good! Excited na ako sa kasal niyo. Actually, sa sobrang excitement ko nga, napanaginipan ko kagabi ang reception niyo,” natatawa niyang kuwento.

Nagpatuloy pa ang aming pakikipagkuwentuhan kay Tita at sa ibang tao na naririto ngayon. Paminsan-minsan ay kumukuha kami ng mga piraso ng keso na nasa lamesa. Mayroon ding shrimp cocktail na nakahain para sa lahat habang hinihintay ang pagsapit ng hatinggabi. Sinabayan namin ang mga ito ng pag-inom ng ilan sa mga champagne at ibang wine na aking dala.

Nang dumating na ang panganay nilang anak na si Jack kasama ang kaniyang kasintahan na sinundo niya mula sa bahay ng dalaga, naghanda na kami para pumunta sa simbahan at um-attend ng Christmas Eve mass.

Inokupa naming lahat ang isang mahabang pew. Isang hilera kaming magkakatabi na nakinig ng misa.

Habang nagsesermon ang pari ay bigla kong naalala ang aking ama. Ito ang unang Pasko na wala na siya. Ito ang unang Pasko na hindi ko siya kasama. Hindi ko namalayan na tumutulo na pala ang luha mula sa aking mga mata.

“Are you okay, babe?” pabulong na tanong ni Caleb na nakalingon sa akin. Ipinatong niya ang kaniyang kamay sa aking kaliwang kamay.

“Yeah. Sorry. Naalala ko lang bigla si Dad,” sagot ko kay Caleb. Pinahid ng kanang kamay ko ang luhang tumutulo sa aking pisngi.

Pinisil ng aking fiancé ang aking kamay.

Itinuon ko na ulit ang aking atensiyon sa harapan. Tatlumpung minuto pa ang lumipas at natapos na ang misa. Naglalakad na ang mga pari at ang mga sakristan palayo ng altar habang kami’y umaawit ng Christmas carol kasabay ng choir.

🎶 Joy to the world the Lord is come

Let earth receive her King

Let every heart prepare Him room

And heaven and nature sing

And heaven and nature sing. 🎶

Pagkatapos magsimba ay muli na kaming nagtungo sa bahay nina Tita.

Isa-isa nang inayos sa kanilang hapag kainan ang mga inihanda nila para sa pagdiriwang namin ng Noche Buena. Unti-unting napupuno ang lamesa ng masasarap na pagkain. Mayroong carbonara, embutido, roasted Christmas ham, lumpiang shanghai, crispy pork belly lechon roll, fruit salad, at red velvet cake.

Excited kaming lahat na umupo sa palibot ng mahaba nilang lamesa. Nasa kanan ko si Caleb samantalang nasa tapat namin sina Alex at Nick. Nasa magkabilang puno ng lamesa sina Tito at Tita. Kasama rin namin dito ang mga tatlo nilang anak, ang boyfriend ni Sofia at ang girlfriend ni Jack. Na-realize ko na si Carlo na lang ang walang kapareha dito. Simula ng lumipat ako rito, wala pa akong narinig na dine-date ng pinsan kong ito.

Para maging even ang upuan, naglaan kami ng isang silya para kay Daddy sa aking kaliwa. Hindi ko maiwasang maging emotional habang nilalagyan ko ang kaniyang plato ng iba’t ibang pagkain. Exactly last year noong nagpunta kami rito, katabi ko pa siya sa parehong puwesto kung saan ako nakaupo ngayon.

Naaalala ko pa ang sinabi niyang rason noong hiniling niya na rito kami mag Pasko noong nakaraang taon. Nais niyang magdiwang ng Pasko rito kasama ng kaniyang kapatid dahil hindi natin alam ang puwedeng mangyari in the future kaya habang may panahon pa, mas mainam na ipagdiwang ang holidays kasama ang aming mga kapamilya. Looking back, tila premonisyon iyon ng mangyayari sa kaniya.

Sakto sa aking nararamdaman ang Christmas song na naririnig ngayon dito sa buhong kabahayanan.

🎶 It’s the most wonderful time of the year

There’ll be much mistletoeing

And hearts will be glowing

When loved ones are near

It’s the most wonderful time of the year 🎶

Habang nagkakaedad ako, mas naiiintindihan ko ang kahalagahan ng paglalaan ng oras at panahon na makasama ang mga mahal sa buhay. Simula ng mawala si Dad, mas naunawaan ko na maigsi talaga ang buhay. Ang mga mahal natin sa buhay na kasama natin ngayon ay maaaring hindi na nating makasama sa mga sunod na araw o buwan o taon. Wala sa ating control kung hanggang kailan sila mananatili sa ating buhay.

Dahil usually abala ang lahat sa ibang araw ng taon, ang mga okasyong tulad nito ang nagiging dahilan para magsama-sama ang mga magkakapamilya at magkakaibigan. Kaya naman, masasabi ko na Christmas is indeed the most wonderful time of the year.

Kasabay ng pagpuno ng pagkain sa aming mga tiyan ay ang pag-apaw ng masasayang kuwentuhan at halakhakan dito sa hapagkainan. Hindi matatawaran ng anumang halaga ang pagkakataon na ito. Nagpapasalamat ako na mayroon kaming pagkakataon na tulad nito para magsalo-salo at magsama-sama para ipagdiwang ang okasyong ito. This is just truly priceless.

Sobrang nabusog ang lahat dahil sa mga pagkain na ubod ng sarap. Nang matapos kumain, isa-isang nagtayuan at lumipat sa sala o sa porch o sa ibang parte ng bahay ang mga naririto para medyo bumaba ang aming mga kinain.

“Naalala mo ba, pre, last year, dito tayo unang nagkakilala? Hiningan pa kita noon ng video message para kay Alex,” pagbabalik-tanaw ko sa pagkikita namin ni Nick last year sa Christmas party ni Tita Luz. Andito ulit kami sa kusina ngayon para dalhin ang mga ginamit naming pinggan sa lababo.

“Ah, oo nga no, pre. Naaalala ko pa ‘yun. Ikaw lang ang nakausap ko ng Tagalog noong gabing iyon dito bukod sa manager ko eh,” sambit niya.

“Who would have thought na one year later, andito ulit tayo sa parehong puwesto tapos kasama mo na ang binigyan mo ng video message noon. Tapos naging mag syota pa kayo.”

“Ang galing nga eh.”

Napaka-unpredictable talaga ng buhay. Sinong mag-aakala na magiging mag boyfriend sila ni Nick? Kahit ako, last year, I was nursing a broken heart when I was here. Pero ngayon, I am engaged to be married to my bestfriend.

Sumapit ang hatinggabi at binati namin ang isa’t isa ng “Merry Christmas!” Ibinigay ko na rin ang mga dala kong regalo para kina Tito, Tita at sa mga pinsan ko.

Binigyan ko ang nakatatandang kapatid ni Dad ng Pashmina shawl na in-order ko mula sa isang company sa India. Paraan ko ito para kahit papaano ay maiparamdam ko sa kaniya ang lubos kong pasasalamat nang kupkupin niya ako rito noong mga nakaraang buwan nang lumipat ako rito mula sa Pilipinas. Base sa ekspresiyon ng kaniyang mukha at sa kaniyang binigkas na mga salita, masaya ako na nagustuhan niya ang aking regalo.

Patuloy na naririnig ang iba’t ibang Christmas songs dito habang kami ay nagre-relax. Kasalukuyang tumutugtog ang pamosong kanta ni Jose Marie Chan na “Christmas in Our Hearts.” Kung si Mariah Carey ang “Queen of Christmas songs”, si Jose Marie Chan naman ang “Hari ng Musikang Pampasko.”

Lumipas ang mga oras at marami-rami na rin kaming naiinom na magkakaibigan at magpipinsan. Naubos na namin ang mga alak na aming dinala.

Katulad noong isang taon, napagdesisyunan ulit naming mag videoke. Dahil may kasama kaming artista, si Nick ang unang naming napagdiskitahang pakantahin. Noong una ay ayaw pa niya kaming pagbigyan pero kalaunan ay pumayag na rin siya. Sinimulan niyang kantahin ang “Grow Old With You” ni Adam Sandler. Tangan ng kaniyang kanang kamay ang mikropono samantalang bote ng beer naman ang hawak ng kaniyang kaliwa.

🎶 I wanna make you smile whenever you’re sad

Carry you around when your arthritis is bad

All I wanna do is grow old with you.

I’ll get your medicine when your tummy aches.

Build you a fire when your furnace breaks

Oh, it could be so nice , growing old with you. 🎶

Pansin kong sobrang kinikilig ang katabi kong matalik na kaibigan habang pinapakinggan ang magandang tinig ng kaniyang nobyo. Bukod kasi kay Caleb, walang ibang nakakaalam sa relasyon nila ni Alex.

Mula ng dumating kami rito, mag tropa ang pakilala at turingan nilang dalawa sa isa’t isa. I can’t imagine kung gaano kahirap para sa kanila ang pigilan ang kanilang mga sarili at iwasang ipakita sa ibang tao ang tunay nilang nararamdaman. Hindi ko alam kung kakayanin ko ang ganoong sitwasyon na itinatago ang kanilang relasyon.

“Tumutulo laway mo, Bestie,” bulong ko sa kaniya habang aktong pupunasan ang tagiliran ng kaniyang bibig.

“Fuck you!” iritable niyang sagot. Siniko pa niya ako.

Masigabong palakpakan ang natanggap ni Nick ng matapos niya ang kanta. Pinakiusapan pa siyang kumantang muli pero ipinasa na niya sa iba ang mikropono. Si Jack ang sumunod na umawit. Tumayo siya at pinili niya ang awiting “Marry Me” ni Jason Derulo.

Napatingin ako sa girlfriend niya at nakangiti lang itong nanonood sa kaniyang kasintahan. Lumapit sa kaniya ang aking pinsan at ipinagpatuloy niya ang pagkanta.

Nang lampas na sa kalahati ang kaniyang nakakanta ay napansin kong idinudugtong niya ang pangalan ng kaniyang nobya sa lyrics ng kanta. Tinutukso namin silang dalawa at binibiro namin na magpo-propose na si Jack.

🎶 I’ll say, will you marry me, baby?

I swear that I will mean it

I’ll say, will you marry me, Jennie?

I’ll say, will you marry me, Jennie? (the day I get on my knees)

I swear that I will mean it. 🎶

Laking gulat naming lahat ng bigla na lang lumuhod si Jack sa isa niyang tuhod sa harapan ni Jennie at dumukot sa isa niyang bulsa. Malakas na nagsigawan ang lahat ng naririto sa nasasaksihan. Hindi namin inaakala na magiging totoo ang biro namin sa kanilang dalawa.

Binuksan niya ang maliit na kahon niyang tangan bago binigkas ang tanong na pamilyar sa akin.

“Baby, will you marry me?” pakantang tanong ni Jack sa babaeng nakaupo sa kaniyang harapan.

Napatakip ang mga kamay ng dalaga sa nakabuka niyang bibig. Tila hindi siya makapaniwala sa nagaganap. Halatang nasorpresa siya sa ginagawang proposal ng kaniyang nobyo. Sa pagkakaalam ko, magkakilala na sila noong nasa college pa sila pero nitong January lang ng taong ito sila naging mas close at naging magkasintahan.

“Jennie, say ‘yes’!” sabi ni Sofia sa kaniyang magiging sister-in-law if ever tanggapin nito ang proposal ng kaniyang nakatatandang kapatid na lalaki.

Magkahawak ang mga kamay ni Tita Luz na naka-puwesto malapit sa kaniyang dibdib. Siguro ay ipinagdarasal niya ang pag-oo ng girlfriend ng kaniyang anak. Hindi ko mawari kung may idea siya na gagawin ngayon ito ng panganay niyang anak.

Ilang segundo pa kaming naghintay bago pinakawalan ni Jennie ang kaniyang matamis na “oo.” Dumadagundong na sigawan at palakpakan ang narinig sa buong bahay. Lahat ay tuwang-tuwa sa nangyari. Sumipol pa ng malakas si Nick bilang pagdiriwang sa nasaksihan.

Nagyakapan at naghalikan ang mag-fiancé sa harapan naming lahat. Nakakatuwang makasaksi ng ganitong mga proposal, lalo pa’t sa malapit na tao sa aking buhay. Masayang-masaya ako para sa kanilang dalawa. I can’t wait to see them get married soon.

Lumapit sa kanila ang mag-asawa ni Tita at niyakap ang kaniyang anak at magiging daughter-in-law. Sa wakas, matutupad na ang isa niyang pangarap na maikasal ang isa sa kaniyang mga supling.

Sunod na ring bumati ang lahat sa magkasintahan. Sinabihan ko ang aking pinsan na dapat ay invited ako sa kanilang kasal. Niloko pa namin si Sofia at ang kaniyang nobyo na sila na ang susunod. Pati si Carlo ay pini-pressure na rin naming maghanap ng kasintahan.

Masayang nagpatuloy ang aming party. Pagkatapos ng halos dalawang oras ay nagpaalam na kaming apat para umuwi na sa aming condo. Dahil may tama na ng alcohol kaming tatlo nina Alex at Caleb, si Nick na ang nagmaneho ng aking kotse pabalik sa aming tirahan.

Tanghali na ng kami'y nagising. Tulog pa si Caleb ng ako'y bumangon. Nagpunta ako saglit sa banyo bago kinuha ang ibinalot kong regalo mula sa loob ng aming closet. Bumalik ako sa aming kama at sinimulang gisingin ang aking fiancé sa pamamagitan ng paghalik sa kaniyang mukha. Hindi naman nagtagal at iminulat na niya ang kaniyang mga mata.

"Merry Christmas, babe," bati ko sa aking katabi at itinapat ko sa kaniyang mukha ang hawak kong regalo.

"Merry Christmas! What's this?" tugon niya habang tinatanggap ang aking regalo.

"Open it," sabi ko sa nobyo ko na kasalukuyang nag-iinat.

Umupo siya at isinandal ang kaniyang likod sa headboard ng aming kama. Sinimulan niyang sirain ang kulay pulang balot sa kahon na kaniyang tangan.

Nagliwanag ang kaniyang mukha at lumaki ang kaniyang inaantok pa na mga mata ng makita niya ang nakabungad na dilaw na smiley na design. May nakasulat na "drew" sa parte kung saan dapat naroroon ang bibig nito. Alam kong nahulaan na niya kung ano ang regalo ko. Excited niyang inilabas mula sa kahon ang isang kulay yellow gold na hoodie jacket.

Matagal na niyang gustong magkaroon nito. Tuwing tumitingin siya sa website ng streetwear label ni Justin Bieber na “Drew House”, laging sold out ang mga produktong gusto niyang bilihin. Suwerte naman na available ang hoodie na ito nang dalawin ko ang website ng kumpanya ng sikat na singer.

"Do you like it?" tanong ko sa kaniya kahit alam ko na ang sagot sa tanong ko.

"Of course, babe! Thank you so much!"

Mabuti naman. Medyo may kamahalan kasi ito kumpara sa presyo ng mga regular na mga hoodie jacket.

Madali niya itong isinuot sa hubad niyang katawan. Saktong-sakto ang sukat sa kaniyang katawan ng binili ko.

"Wait, babe, let me get my gift for you." Bumangon siya at may kinuha sa loob ng kaniyang maleta.

Iniabot niya sa akin ang isang paper bag na kulay asul na may dekorasyon ng snow man at hugis ng mga niyebe.

Nang binuksan ko ito ay nakita ko ang puting kahon ng Apple watch. Nabanggit ko sa kaniya na pinag-iisipan kong bumili nito noong nagpunta kami last month sa isang Apple store sa Grand Central Terminal sa New York. Hindi ko inakala na ibibili niya ako nito.

"Thank you, babe," sabi ko sa kaniya bago ko siya binigyan ng mariin na halik sa kaniyang mga labi.

Ilang minuto pa kaming nanatili sa kama bago tuluyang bumangon para sabay na maligo at maghanda para sa lakad namin ngayong araw na ito.

Ilang minuto pa kaming tumambay sa sala habang ine-enjoy ang pag-inom ng mainit na kape bago lumabas sina Alex at Nick mula sa kanilang kuwarto.

“Good morning! Merry Christmas!” bati namin sa isa’t isa.

"Bestie, regalo namin ni Nick para sa inyo ni Caleb,” sambit ni Alex habang iniaabot ang isang malaking kulay pulang gift bag na kaniyang bitbit. Nagulat ako sa bigat nito.

"Bestie, this is unnecessary. Hindi na sana kayo nag-abala pa kasi ang pagpunta niyo pa lang dito ngayon ay enough na as Christmas gifts para sa amin ni Caleb,” sabi ko sa aking matalik na kaibigan. Sinang-ayunan naman ako ng aking fiancé.

"We can’t break our Christmas tradition. ‘Tsaka, andito na ‘yan kaya wala ka ng choice. ‘Wag ka ng mag-inarte pa. Buksan niyo na ‘yan,” lokong sabi niya.

Tulad nga ng sinabi niya, wala na kaming choice kung hindi ay tanggapin ang kanilang regalo.

Nang dinukot ko ang isa sa mga nakabalot ay nahulaan ko na ang kanilang dala. Madali kong inalis ang papel at bubble wrap na nakabalot sa hawak ko at nalamang tama ang aking hula. Isa itong malaking bote ng Red Horse beer. Malaking ngiti ang idinulot nito sa aking mukha.

“Oh, my God, pre! Sobrang na-miss ko ito,” sabi ko kay Nick habang nakatitig sa tangan kong alak. Hinalikan ko pa ito.

Ilang buwan ko na kasing hindi ito natitikman. Kung dati-rati ay halos linggo-linggo namin itong inumin pero ngayon, hindi ito available rito sa Miami.

"Na-miss rin niyan ang atay mo, pre!” sagot ni Nick. Nagtawanan kaming apat.

Pagkatapos makita ang bote ng RH na ipinatong ko sa aming coffee table rito sa sala, muli akong dumukot sa malaking bag habang pinapanood si Caleb sa pag-alis niya ng balot sa kaniyang hawak. Ilang segundo pa ang lumipas at tumambad na ang isang bote ng Tanduay “lapad” mula sa ilalim ng mga papel at bubble wrap. Pagkaalis ko naman ng balot sa aking tangan ay lumitaw ang isang malaking bote ng “kuwatro kantos” na inumin o ang Ginebra gin.

Nakangiti lang sina Alex at Nick na tila aliw na aliw sa panonood sa amin.

Ilang minuto ang lumipas at napuno na ang lamesa na nasa gitna ng aming sala ng maraming iba’t ibang alak na galing sa Pilipinas. Bukod sa mga nauna naming nailabas, mayroon din ditong Gin “bilog”, “long neck”, Emperador at ilan bang inumin.

"Paano niyo ito nadala rito? Buti hindi nabasag ang mga ito,” sabi ko sa aming mga kaibigan.

“Alam mo naman, magaling tayo sa pag-eempake. Nagustuhan mo ba ang regalo namin sa ‘yo?” tanong ni Alex.

"Oo naman. I love them. Thank you! Excited na akong matikman ang mga ito. Tagay na tayo?” alok ko sa kanila.

"Agang-aga naman, babe. Alcoholic ka?” sabi ni Caleb.

"Konti lang, babe, bago tayo umalis. Pampainit lang.”

Wala na silang nagawa nang tumayo ako at kumuha ng apat na shot glass sa aming bar. Binuksan ko ang hawak kong “bilog” at sinalinan ng alak ang mga baso. Isa-isa kong ibinigay ang mga ito sa kanilang tatlo.

Hindi na sila tumanggi pa at pinagbigyan nila ako.

“Merry Christmas! Here’s for bestfriends for life!” sabi ko bago namin pinag-untog-untog ang hawak naming baso at ininom ang laman nito.

Saglit na nalukot ang aming mga mukha ng maramdamang gumuhit ang alak sa aming lalamunan. The best pa rin talaga ang alak ng Pilipinas.

Pagkatapos ng ilang minuto ay ibinigay naman namin sa kanila ang aming regalo. Isa itong pares ng puting makapal at malambot na bathrobe na may nakaburdang “Poji 1” at “Poji 2” sa harapan sa bandang kaliwang dibdib.

Nang matapos ang aming bigayan ng regalo ay napagpasyahan na naming umalis. Bitbit ang aming mga bag, sabay-sabay na kaming nagtungo sa parking lot para sa aming holiday vacation.

Humigit kumulang apat na oras ang aming naging paglalakbay bago kami nakarating sa hotel na aming tutuluyan. Sa mga susunod na araw, napagkasunduan namin na dito muna kami sa Orlando mamamalagi para ipasyal ang aming mga bisita.

Nagpahinga lang kami sandali bago nagpunta sa Disney Springs. Dito muna kami namasyal ngayong araw na ito. Isa sa aming ginawa ay ang manood ng bagong Cirque de Soleil show rito. Nakakamangha ang galing at talento ng lahat ng performers. Buwis-buhay talaga ang kanilang ginawa.

Ang sumunod na dalawang araw ay ginugol namin sa pamamasyal sa iba’t ibang theme parks ng Disney World. Gamit ang Park Hopper option, nagpalipat-lipat kami sa Magic Kingdom, Hollywood Studios, Animal Kingdom at EPCOT.

Dahil sa dami ng tao na namamasyal din sa mga parks na ito, mabuti na lamang at nagamit namin ng maayos ang aming Genie Plus para mapuntahan ang mga rides na gusto naming sakyan na hindi kinakailangang pumila ng sobrang tagal. Ang iba kasing in-demand na rides ay umaabot sa ninety minutes hanggang dalawang oras ang paghihintay dahil nga sa dami ng tao na naririto.

Labis naming na-enjoy ang aming pamamasyal dito. Para kaming bumalik sa aming pagkabata. Marami kaming nakuhang larawan para maging alaala ng bonding namin na ito. Ang iba pa sa mga ito ay kasama ng mga Disney characters tulad nina Mickey Mouse at Minnie Mouse, ang mga Disney princesses, at pati na rin ng ilang Star Wars characters.

Sabi nila, Disney is the happiest place on Earth and this is where dreams come true. Being with these four guys here in this place make my heart full and happy. Sobra akong nagpapasalamat na nagkaroon kaming apat na magsama-samang muli pagkatapos ng ilang buwang pagkakahiwala. Truly a dream come true.

If only Daddy is here with me, kumpleto na sana talaga ang aking Pasko. Medyo nainggit kasi ako ng bahagya sa mga nakita kong mga bata na kasama ang kanilang ama at ina. Inisip ko na lang na kasama ko rin ngayon sina Daddy at Mommy in spirit.

Sumunod na araw ay lumipat naman kami sa dalawang parks dito ng Universal Studios. As expected, marami rin ang mga tao na naririto. Pami-pamilya, magkakabarkada at magkakarelasyon ang nakikita at nakakasalubong namin dito.

Kasalukuyan kaming papalabas ng Hogwarts castle nang may namataan akong pamilyar na mukha na may hawak na inumin sa hindi kalayuan. Noong una ay akala ko nagkakamali lang ako kaya tinawag ko si Caleb para itinuro sa kaniya ang lalaki na aking nakita. Kinumpirma niya na tama ako sa aking nakita.

Naunang naglakad ang aking fiancé at kinuha niya ang atensiyon ng kaniyang ex-boyfriend. Nakasunod lang kami nina Alex at Nick sa kaniya.

Kita ko ang pagkagulat sa mukha ni Jordan ng makita si Caleb sa kaniyang harapan. Imagine, sa laki ng Amerika, nagkita kami ulit dito.

"Hey! Oh, my God! What are you doing here?” naguguluhang tanong at bati ng African American na ex ng aking fiancé. Niyakap niya si Caleb habang hawak ng kaniyang kaliwang kamay ang isang baso na may lamang butterbeer.

"We’re just visiting. I am here with Alex and his boyfriend, Nick, and Theo, my fiancé. You still remember them, right?” banggit niya sa aming tatlo.

Potek! Sana walang nakakakilala kay Nick na nakarinig sa sinabi ni Caleb or else nalintikan na.

"Oh, wow!” Base sa kaniyang reaksiyon, tila hindi siya makapaniwala sa kaniyang narinig na pakilala sa akin ni Caleb.

"Congratulations!” nakangiti niyang dagdag tapos iniabot niya ang kaniyang kanang palad sa akin para makipagkamay.

"Thank you! How are you doing?” bati ko sa kaniya.

"I’m good, man! Wow! I still can’t believe you guys ended up together but that’s great! I’m happy for both of you. Anyway, this is JD, my husband,” pakilala niya sa kasama niyang lalaki na isa ring African American.

"Oh, wow! I didn’t know you got married! Congratulations!” bati naman sa kanila ng aking fiancé. Binati na rin namin sila.

Nagpatuloy ang aming kumustahan ng ilang minuto. Habang nag-uusap, nagkatinginan kami ni Caleb na para bang pareho ang aming iniisip.

"Okay lang ba sa ‘yo kung i-invite natin sila sa wedding natin next week?” tanong ni Caleb.

Pareho nga kami ng iniisip.

"Okay lang sa akin,” tugon ko.

“Jordan, what are you doing on Thursday, not this week but on next week?” pag-usisa ni Caleb sa ex niya.

Tumingin ang kaniyang kausap sa kaniyang asawa na para bang humihingi ng tulong sa pag-isip ng kanilang schedule sa araw na iyon.

"We’ll be in Miami,” sabi ng asawa ni Jordan.

Sakto!

“Great! If you can, we would like to invite both of you to our wedding on January sixth. I can text you the details if you want,” salaysay ni Caleb.

"Cool. Thank you! Text me the details and we’ll check our schedule. I’ll let you know,” sagot ni Jordan.

Sandali pang nagpatuloy ang aming kuwentuhan bago kami nagpaalam sa isa’t isa at naghiwalay ng landas. Nagtungo na kaming magkakaibigan sa Hogwarts Express para sumakay ng train at lumipat sa kabilang park kung saan naman naroroon ang Gringott’s Bank.

Tulad ng kasabihan, time flies when you’re having fun. Hindi namin namalayan ang paglipas ng mga oras. Bumalik na kami sa aming hotel para magpahinga at bukas ay babalik na kami sa Miami para naman maghanda sa batchelor party na inihanda ni Alex.

 

 

 

 

Itutuloy…


No comments:

Post a Comment