Wednesday, December 9, 2020

TOTDGA - CHAPTER 16


RECOVERY

  

"Kumusta pakiramdam mo?" Ito ang tanong ni Babe Ruth, ang isa sa mga nurses dito sa Surgical Unit ng hospital kung saan din ako nagwo-work. Naging close na rin kami nito. Actually nakasama ko na rin siya minsan gumimik. Ako rin ang nagbinyag sa kanya ng nickname na Babe Ruth. Siyempre, hango ito sa pangalan ng sikat na baseball player sa Amerika o brand ng tsokolate.

"Okay lang. Hindi na masyado masakit." Sagot ko rito habang inaantok pa ang diwa ko. Ginising kasi niya ako para i-check ang aking vital signs at painumin na rin ng ilang gamot. Binigyan rin niya ako ng another dose ng morphine para makatulong maibsan ang sakit sa aking tiyan.

"Boyfriend mo? Ang gwapo ha! Sana all!" Sambit niya habang nakatingin kay Baste na kasalukuyang natutulog sa maliit na sofa dito sa hospital room ko.

"Baliw! Kaibigan ko lang yan." Sabi ko sa kaniya.

"Ipakilala mo ko mamaya. Beke nemen mey chence." Malandi niyang bigkas. Ngumiti na lang ako sa kanya. "Anyway, you're advised not to eat for now since you're surgery is scheduled at eleven o'clock A.M. today. Just let me know kung may kailangan ka. OK?" Aniya.


Alas siyete quince na pala ng umaga. Mataas na ang araw sa labas. Himbing na himbing pa si Baste sa kanyang pagtulog. Nakabaluktot siya sa sofa na nasa gilid ng kuwarto. May May nakatakip na puting kumot sa kanyang katawan. Medyo malamig kasi dito sa kuwarto dahil sa airconditioning. Dapat kasi umuwi na lang ito kagabi eh. Nahihiya tuloy ako sa kanya. Anyway, natulog na lang ulit ako."

Sorry, nagising ba kita?" Tanong ni Baste ng magising ako habang inaayos niya ang aking kumot.

"Anong oras na?" Pareho kaming napatingin sa wall clock na nasa harapan namin. 9:45 pa lang ng umaga.

"Tulog ka pa. Sabi ng nurse mo, babalik raw sila rito ng mga bandang alas diez para ihanda ka sa surgery mo." Salaysay niya habang umuupo sa silyang katabi ng aking kama. "May gusto ka bang kainin o gawin?" Dagdag nito.

"Oo. Punta muna ako ng banyo." Tutulungan pa sana niya ako pero sinabi kong kaya ko na kaya nanatili na lang siyang nakaupo sa silya.

Narinig kong in-on niya ang TV habang ako ay umiihi. Pagkatapos ay naghilamos na rin ako at nagsipilyo.

"Di ka pa ba uuwi? Okay lang ako rito." Sabi ko sa kanya ng makabalik ako sa kama. Nahihiya kasi ako baka pakiramdam niya e inoobliga ko siya na samahan ako rito.

"Mamaya na lang ako uuwi habang inooperahan ka. Sa ngayon ay dito muna ako. May ipapabili ka ba? Babalik rin ako agad dito." Tanong niya habang nakaupo sa silya at nanonood ng pelikulang Titanic sa cable TV. Natawa ako sa isip ko kanina ng makitang pinapanood niya ito.

"No. Wala naman. Pero magpahinga ka muna. Tawagan ko na lang sina Alex at Caleb. Speaking of them, hindi ko pa pala nasasabi sa kanila na andito ako." Kinuha ko ang aking cellphone at una kong tinawagan si Caleb. Nakita ko kasi na nag-text pala siya kanina para kumustahin ako. Hindi niya sumasagot sa tawag ko. Malamang dahil nasa trabaho ito ngayon. Tinext ko na lang siya at sinabi sa kanya ang aking room number. Sigurado akong bibisitahin niya ako mamaya sa break niya.

Sunod kong tinawagan si Bestie. Di rin sumasagot ang potek. Nag-text na lang din ako sa kanya. "Hugotin mo muna yan Bestie! Kelangan ko ng tulong mo. Mamatay na ako. Call me ASAP." Mensahe ko sa kanya.

Tinawagan ko na rin ang aking boss at sinabi sa kanya na hindi ako makakapasok this week dahil sa nangyari sa akin. Sabi niya ay bibisitahin daw niya ako bukas since dito naman kami nagtatrabaho. 

Pinag-isipan ko pa kung ipapaalam ko kay Daddy ang aking sitwasyon. Alam ko kasing sobrang mag-aalala iyon kapag nalaman niya.

[Good morning hijo! Kumusta ka?]

"Good morning Dad! Huwag kang mabibigla pero andito ako ngayon sa ospital. Sumakit kasi ang tiyan ko kagabi at sabi appendicitis daw. Pero ayos naman ako. Ini-schedule na nila ako for surgery ngayong umaga at eleven o'clock. Huwag kayong mag-alala." Kilala ko na siya kaya inunahan ko na siya.

[What? Luluwas ako diyan today para mapuntahan ka. Saang ospital ka naka-confine? Sino kasama mo ngayon? Andiyan ba sina Alex?]

Sunod-sunod ang kanyang mga tanong. Tama nga ako.

"Relax ka lang Dad. Okay lang ako. Malamang makakauwi na rin ako siguro bukas o sa isang araw. At saka may kasama naman ako ritong kaibigan kaya huwag ka ng mag-alala." Pagpapakalma ko sa kanya. Napatingin pa si Baste sa akin nung banggitin ko kay Dad kung sino kasama ko ngayon rito.

[OK. Pero puntahan pa rin kita diyan ngayon. Text mo sa akin ang ospital at room number mo. Mag-aayos lang ako.]

Ramdam ko ang pagkataranta niya sa boses niya.

"Since hindi ka naman papapigil, mag-ingat na lang kayo sa pagdrive papunta rito. I'll text the address at ang room number." Sagot ko sa kanya.

["Sige hijo. I'll see you later. I love you."]

"Love you too, Dad." Medyo nagsisisi na ako kung bakit sinabi ko pa sa kanya. Alam ko pa namang nag-aalala yun. 

"Punta raw si Dad dito mamaya. Musta likod mo? Grabe ang pagkabaluktot mo dun sa sofa kagabi ha! I wouldn't be surprised kung maging kampanero ka na rin, Quasimodo!" Biro ko sa kanya. Natawa naman siya. Pansin kong hinihimas niya ang kanyang kanang kamay.

"Patingin ng kamay mo." Ibinigay naman niya ito. Namumula ang kanyang knuckles. Marahil dahil sa lakas ng pagsuntok niya sa mukha ni Eric. Wala naman yatang nabaling buto sa kamay niya. "You should put ice over this."

"Ano ka ba? Malayo sa bituka ito. Wag mo akong alalahanin. Bituka mo intindihin mo." Hinila na niya pabalik ang kanyang kamay.

"Do you really think si Eric ay may pakana ng pagkabutas ng mga gulong ng kotse ko?" Diretso kong tanong sa kanya. Medyo nabigla pa siya at tila hindi inaasahan ang tanong ko.

"Lasing lang ako nun. Pero ipangako mo sa akin na mag-iingat ka lagi. Tuso yung trapong yun." Nakatingin lang siya sa TV at pinapanood sina Jack at Rose habang nagpapapawis sa loob ng kotse.

"Kaso mukhang ikaw dapat ang mag-ingat eh. Pinagbagtaan ka pa niya kagabi di ba?" Paalala ko sa kanya.

"Kilala ko yung gagong yun. Patalikod yun trumabaho. Hindi ako natatakot sa kanya."

"Ano ba dahilan ng paghihiwalay niyo dati?" Tanong ko sa kanya.

Dumating na ang nurse para ihanda ako sa aking operasyon kaya hindi na niya nasagot ang tanong ko. Naligo muna ako at sinunod ang utos ni Babe Ruth na ahitin ko ang buhok sa aking tiyan. Isinuot ko na ang hospital gown na binigay niya sa akin at lumabas na ng banyo pagkatapos.

Busy si Baste sa kanyang telepono ng makabalik ako sa kama. Tumingin siya sa akin ng maramdaman niyang nakabalik na ako.

"That hospital gown looks great on you. As a matter of fact, so would I." Dagdag na hirit niya.

"Are you sure about that?"

"Oo naman. You look great right now. Do you know what else would look great on you? Me!" Daming baon nito dito ah.

Dumating na ulit si Babe Ruth at may kasama siyang dalawang lalaki para dalhin na ako sa operating room. 

"Kailangan mo ba ng goodluck kiss?" Nakangisi nyang tanong.

"Umuwi ka na." 

"Mamaya na. Higa muna ako rito sa kama mo para maamoy pa kita. Di ka pa umaalis pero miss na agad kita eh." Buwisit itong lalaking ito! Nakakahiya sa mga kasama namin rito.

"Sana all." Sabay na sabi ni Babe Ruth at ng isang lalaking kasama nito. Obvious na kinilig ang mga ito sa sinabi ni Baste.

"Baliw ka na talaga! Anyway, alis na kami. Ingat ka na lang pag-uwi mo." Paalam ko sa kanya.

"Baliw na nga ako sa yo. Anyway, good luck! I'll see you in a bit." Sagot nito.

Di ko alam kung bakit hindi ko pa iniiwasan ang lalaking ito. Dati-rati kapag may himihirit o umaarte ng ganito ay pinapalayo ko na o hindi ko na kinikita ulit. 

Umalis na kami at dinala na ako sa operating room. Muli nilang pinaliwanag sa akin ang procedure ng gagawing laparoscopic appendectomy kung saan tatanggalin ang aking appendix sa pamamagitan ng pagpasok ng ilang mahahabang surgical tools na may camera sa dulo nito. Nakakabit ang mga ito sa isang monitor para dun makita ang video at maging guide ng surgeon sa pagkuha ng aking appendix na hindi kailangang hiwain ng mahaba ang aking tiyan. Maliit lang daw na butas ang kailangang gawin para maipasok ang mga tubong instrumento na gagamitin. Mas mainam na ito dahil mas mabilis ang recovery time at less invasive. Kinabitan at tinusukan na nila ako ng kung ano-ano at naramdaman ko na lang ang pagbigat ng talukap ng aking mga mata. Kusa na ang mga itong pumikit.

Nagising na lang ako ng nakahiga na sa recovery room. Hindi ko alam kung ilang oras na ako rito. Wala akong makitang orasan. Tiningnan ko ang aking tiyan at nakitang may tatlong puting kuwadradong wound dressing na nakadikit sa aking tiyan. Isa ay sa kanan at katabi ng aking pusod. Yung dalawa naman ay nasa kaliwang banda, isa sa medyo taas ng pusod at ang isa ay malapit sa aking puson. Marahil dahil sa epekto pa ng anesthesia kaya wala akong nararamdamang sakit pero wala akong lakas para kumilos. Natulog na lang ulit ako.

"Maayos naman ang naging operasyon sa yo. Ibabalik ka na namin sa iyong kuwarto para makapagpahinga ka na ng mas mabuti." Sabi ng isang nurse ng gisingin niya ako pagkatapos kunin ang aking vital signs. Medyo bangag pa ako. 

Pagkatapos ng ilang minuto ay itinulak na nila ang kamang hinihigaan ko pabalik sa aking kuwarto. Pagdating doon ay nakita ko si Dad na nakaupo sa sofa. Nakarating na pala siya rito. 

"Hijo, kumusta pakiramdam mo?" Bati agad sa akin ni Daddy ng makita ako. 

"Hi Dad!" Iyon lang ang naisagot ko sa kanya. Pagod na pagod ang pakiramdam ko ngayon. Gusto ko lang matulog at magpahinga. Naunawaan naman niya. 

"Pahinga ka na muna. Dito lang ako. Andito rin kanina sina Alex at mga kaibigan mo pero bumaba lang silang saglit." Sabi ni Dad habang inaayos niya ang kumot sa aking katawan. Mabilis akong nakatulog. 

Madilim na ang kuwarto ng magising ulit ako. Pati sa labas ay madilim na rin. Tumingin ako sa orasan at nakitang lampas alas otso na ng gabi. Wala akong makitang kasama rito sa kuwarto ngayon. Nasaan kaya sina Dad? 

Wala naman akong nararamdamang sakit ngayon. Pero kailangan kong pumunta sa banyo para umihi. Sinubukan kong bumangon pero ngayon ko naramdaman ang sakit sa aking tiyan ng mag-contract ang mga muscles ko rito. Tolerable naman ang sakit dahil na rin sa mga pain medications na ibinibigay sa akin. Dahil dito, imbes na ipihit ko ang aking katawan ay inurong ko na lang paunti-unti ang aking puwetan at katawan papunta sa gilid ng kama tapos dahan dahan na ibinaba ang aking mga paa sa sahig. 

Pagkatapos umihi ay bumalik na ako sa kama. Dinahan-dahan ko na lang ang aking paghiga. Papikit pa lang ako ng bumukas ang pinto ng aking kuwarto. Napatingin ako rito at nakitang pumasok si Dad kasama sina Alex, Caleb at Baste.

"Gising ka na pala. Nagugutom ka ba? Nakausap ko na ang doctor mo kanina at kelangan mga soft foods lang muna ang kainin mo ngayon. Kaya bumili kami ng lugaw at iba pang pagkain sa cafeteria. Kumain na rin kami ng dinner." Sabi niya habang inilalagay sa lamesa ang pinamili nilang pagkain. 

"Bestie, ano anak mo babae ba o lalaki? O bading din?" Lokong biro ni Alex. 

"Ulol. Appendix lang ang kinuha sa akin. Hayaan mo, ipapakuha ko yung tinggil na yun at ipapakabit ko sa yo para mas maabot mo ang langit." Hirit ko sa kanya. Nakapalibot silang lahat sa akin. 

"Ah akala ko kasi magiging ninong na ako." Di pa rin papatalo ang gago. 

"Buti sinunod mo payo ko. Kung saka-sakali baka pumutok pa yun, mas malala pa. Anyway, kain ka na muna." Sabi ni Caleb sa akin. 

"Oo nga eh. Salamat." Sagot ko rito.

"Umupo muna kayong lahat. Kain muna ako." Nagsi-upuan naman silang lahat. Magkakatabi ang tatlo kong kaibigan sa sofa samantalang si Dad naman ay umupo sa kama sa bandang paanan ko. 

"Paano ang clinic mo bukas?" Tanong ko kay Dad. 

"Kinansel na muna namin ang lahat ng appointments. Sinabihan ko na lahat ng staff ko na dito muna ako para maalagaan ka." Wika nito.

"Dad, okay lang ako rito. Wala kang dapat ipag-alala. Baka bukas o sa makalawa ay makauwi na ako kata pwede ka ng bumalik sa Anilao." Pagpapakalma ko sa kanya. 

"Alam ko naman pero hindi mo maiaalis sa akin ang mag-worry. Lalo pa at nasa malayo ako. Kaya hayaan mo muna ako rito para alagaan ka hanggang maka-recover ka." Seryosong sabi nito.

"Okay Dad. Ikaw bahala." Tinapos ko na ang kinakain kong lugaw. Inaantok pa rin ako. Napansin yata nila ang gusto kong gawin.

"Tito, kami na po magbabantay kay Theo tonight." Sabi ni Baste. Napatingin ako sa kanya ng sinabi niya ito. 

"Oo Dad. Sa bahay ko na muna ikaw matulog. Wala kang matutulugan dito. Balik ka na lang bukas. May kasama naman ako rito." Pagsang-ayon ko sa sinabi ni Baste. 

"O sige. Babalik ako ng maaga bukas." Sagot na pagsuko ni Daddy. 

"Ihatid na kita Tito David sa bahay ni Theo. Uwi na rin ako since may pasok pa ako bukas. Balik na lang rin ako bukas." Offer ni Caleb. Ngitian at kinindatan ko ito.

"Salamat Caleb. Pakikuha na lang ng susi ng bahay ko sa bulsa ng pantalon ko." Sumunod naman siya at ibinigay kay Daddy ang susi. "Tapos Dad, pwede bang pakiasikaso si Bangky at pakidalahan na rin ako ng malinis na damit at saka jacket bukas."

"OK. Anything else?" Umiling lang ako. "O sige. Una na kami hijo. Kung may kailangan kayo, tawagan niyo lang ako ha." Huling sabi ni Dad sa amin bago sila lumabas ni Caleb ng kuwarto.

"Ang bait pala ng Dad mo. Bakit di ka nagmana dun?" Sambit ni Baste. 

"Ulol. Gusto mo umalis ka na rin?" Sagot ko rito. Nagbibiro lang naman ako. 

"Joke lang. Eto naman, hindi ka mabiro." Wika nito.

Nagkwentuhan lang kami nina Alex saglit tapos sinabi kong magpapahinga na ulit ako. Di naman sila tumutol.

"Bestie, alis pala muna ako. May kailangan i-check sa club eh. Tutal andito naman si Baste. Balik na rin ako dito bukas." Sabi ni Alex bago ako pumikit. Nagpasalamat na ako sa kanya sa pagpunta niya. 

"So dating gawi. Dito lang ako. Kung may kailangan ka, tawagin mo lang ako ha." Sabi ni Baste habang nakaupo sa sofa. "Okay lang ba kung naka-on ang TV?" Dagdag niya. Tumango lang ako at nagpasalamat na rin ako sa kanya. Pagkatapos ay natulog na ulit. 

Nagising ako bandang ala seis y media ng umaga para umihi. Nakita ko si Baste na natutulog habang nakaupo sa silya sa tapat ng aking kanang balakang at nakapatong ang kanyang ulo at mga kamay sa gilid ng aking kama. Nakaharap ang kanyang mukha sa akin. Akala ko ba sa sofa ulit siya matutulog.

Hinawi ko ang ilang buhok niya na nakaharang sa kanyang noo. Sobra kong naa-appreciate ang kanyang pagstay dito at pagbantay sa akin. Pwede naman kasi siyang umuwi na rin at bumalik na lang ulit mamaya kung gusto niya pero mas pinili niyang manatili dito kasama ko kahit hindi kumportable ang kanyang tinutulugan. 

Kasalukuyan kong hinihimas ang kanyang ulo ng magising ito. Bigla kong inalis ang aking kamay at ipinatong ito sa aking dibdib. 

"Good morning!" Bati ko sa kanya nang nakangiti.

"Good morning! Musta na pakiramdam mo?" Tanong niya.

"Better. Thank you." Sagot ko rito. "Bakit diyan ka natulog at hindi sa sofa?" 

"Ayoko ko kasing mapalayo sa yo eh. Tsaka mas kumportable dito na mas malapit sa yo." Potek! Ang aga-aga! Di pa nga sumisikat ang araw humihirit na agad. "May kailangan ka ba? Gusto mo magbanyo? Tulungan kita." Dagdag niya.

"OK. Sige." Tumayo siya at inalalayan akong makabangon at makatayo. Hirap pa rin bumangon kapag nagco-contract ang mga abdominal muscles ko.

"Ayos na ako. Dito ka na lang." Sabi ko sa kanya bago pumasok ng banyo.

"Sure ka? Baka kailangan mo ng taga-pagpag." Nakangiting hirit niya.

"Sira. Baka hindi lang pagpag gawin mo eh. Di ko pa kaya. Kaya diyan ka na lang." Sabi ko sa kanya at naglakad na ako papunta sa banyo. 

"Sigurado kang hindi mo kailangan ng tulong diyan." Dining kong sabi ni Baste sa labas ng banyo habang ako ay umiihi. 

"Hindi na. Okay na ako. Matulog ka na ulit." Sigaw ko sa kanya. 

Pagkatapos ng ilang minuto ay nakalabas na ako ng banyo. Hinihintay pala ako ng loko sa labas ng pinto. Muli niya akong inalalayan pabalik sa paghiga sa kama. Kaya ko naman pero nagpupumilit si Baste kaya tinanggap ko na lang ang alok niya. 

"Tulog na muna ulit tayo. Maaga pa." Di naman siya tumanggi kaya natulog na ulit kami.

Nagising na lang ulit ako ng pumasok si Babe Ruth para i-check ang aking vital signs at bigyan ako ng another dose ng pain medications. Pagkalabas niya ay ipinasok naman ang aking breakfast. Kinain ko na ito. Nagising si Baste pagkatapos ko mag-agahan. 

"Good morning ulit!" Muli kong bati sa kanya. Kinukusot pa niya ang kanyang mga mata.

"Good morning din ulit!" Sagot na bati niya habang nag-iinat. 

"Ano plans mo today?" Tanong ko sa kanya.

"Uwi muna ako tapos puntahan ko yung bahay ng client ko. Start na kasi kami today ng renovation ng bahay niya eh. After ko doon, balik ulit ako rito." Salaysay niya.

"Ah oo nga pala. Ngayon kayo magsimula. Good luck sa first day mo. For sure, magiging maganda kakalabasan ng project mo. Maya-maya naman ay darating na ulit si Dad dito." Sabi ko rito. Tama nga. Pagkatapos lang ng ilang minuto ay dumating na nga si Dad. 

"Daddy, uwi po muna ako. May trabaho po eh." Daddy? Kelan ko pa siya naging kapatid? Nasisiraan na talaga ang lalaking ito.

"Ah, sige hijo. Mag-iingat ka at salamat sa pagbantay mo dito sa unico hijo ko." Sabi nito kay Baste. 

"Salamat po at walang anuman. It's my pleasure... Sige Theo! Una na ako. Don't miss me too much ha. I'll be back later." Nakangising paalam nito. 

"Thank you Baste!" Sagot ko sa kanya. 

"Eto ang mga damit na dinala ko para sa yo. Hindi ako sigurado kung alin ang gusto mo kaya dinamihan ko na para may mapagpilian ka." Inilagay niya ang bag ng mga damit sa aking kama. 

"Salamat Dad!"

"Sino yung si Sebastian? Di mo yata naikwento o napakilala sa akin iyon dati. Boyfriend mo ba yun? Mukha namang sincere, mabait at mapagkakatiwalaan. Boto ako sa kanya hijo." Pagpuri nito kay Baste. 

"Don't get too excited Dad. Kaibigan ko lang yun." 

"Okay." Nakangiting sabi niya. Mukhang hindi naniniwala sa sinabi ko. "Kumusta na pakiramdam mo? Dumaan na ba ang doctor mo rito?"

"Hindi pa po pero ayos naman ang pakiramdam ko. Pagod lang at medyo lutang. Hindi naman siya masakit unless gumalaw ako. I think the pain medications are helping a lot." Sabi ko sa kanya.

"That's good. Matindi rin kasi yung analgesics na binibigay sa yo eh." Sagot ni Dad. "Anyway, pahinga ka na muna."

Umupo siya sa sofa at nagbasa ng diyaryo. Natulog lang ulit ako. Halos alas dose na ng muli akong magising ng dumating si Dr. Reyes. 

"Good morning Theo. How are you feeling?" Tanong ni Doc. 

"Ayos naman po Doc." Sagot ko rito. Pinakinggan niya ang aking baga at in-assess na rin ang aking tiyan lalo na sa parte kung saan ako inoperahan. 

"The operation was successful pero kailangan ka pa naming i-monitor para siguradong stable ka na. If everything goes well today, baka bukas ay makauwi ka na." Natuwa naman ako sa sinabi niya. Gusto ko ng matulog sa kama ko. Ngayon ko napagtanto kung ano pakiramdam ng mga pasyente ko. Totoo ngang hindi kumportable ang mga hospital beds. 

Pagkatapos ng ilang minuto ay ipinasok na ang aking lunch. Dumating din ang aking boss at ilan kong ka-trabaho para kumustahin ako. Pagkaalis nila ay dumating naman si Caleb at may dala itong pagkain para kay Dad.

Sabay sabay na kaming kumain at nagkwentuhan. Umalis rin siya kalaunan para bumalik sa trabaho. Babalik na lang daw siya ulit mamaya. 

Kasalukuyan akong nagi-scroll sa social media at nakita ang post ni Baste sa IG. 

"Are you my appendix?

Because I don't understand how you work but this feeling in my stomach makes me wanna take you out."

Natawa na lang ako. Ipinagpatuloy ko na ang aking pagtingin tingin ng mga posts ng iba kong kaibigan. Di katagalan ay dumating na si Alex. May dala itong chicken wings, bulaklak at lobo na may nakasulat na "Get Well Soon". Na-touched naman ako pero hindi yata siya na-informed na hindi pa ako pwedeng kumain ng chicken wings. Umupo siya sa sofa katabi ni Dad.

"Bestie, kumusta na pakiramdam mo? Kelan ka lalabas?" Tanong nito.

"Ayos naman. Bukas daw siguro. Kumain ka na at salamat sa pa-flowers at pa-balloon mo mayor." Sabi ko sa kanya. 

"I'm glad you liked it. Nasan na ang Prince Charming mo?" Hirit nito.

"Ulol. Ano ako, si Snow White?" Sagot ko rito.

"Deny-deny pa ang bestfriend ko. So asan na siya?" Pagpupumilit niya.

"Nagtrabaho para may makain ang seven dwarves." 

Natawa naman siya. Nakangiti lang na nakikinig si Daddy sa walang kwenta naming usapan. 

"Bumigay ka rin. Bagay naman silang dalawa di ba Tito ng magiging son-in-law mo?" Napatingin si Dad sa kanya. 

"Oo." Maikling sagot nito. Hindi pa rin maalis ang ngiti sa kanyang mukha.

"See! The votes are in! May nanalo na!" Napailing na lang ako sa kanilang dalawa. Nagkwentuhan pa kami ng kung anu-anong bagay bago ako natulog muli. 

Paggising ko ay wala na namang tao. Ano ba itong mga taga bantay ko lagi akong iniiwan?

In-on ko na lang ang TV at nanood ng balita. Kinain ko na rin ang dinner na nasa harapan ko. Pangalawang araw ko pa lang dito sa ospital, nasusuya na ako sa mga pagkain nila dito pero inuubos ko pa rin naman. Sayang eh. Madaming nagugutom sa mundo ngayon.

Nanonood lang ako sa TV ng pumasok sina Dad, Alex at Caleb. Pansin ko na may kasama sila na hindi ko kilala.

"Hijo! Gising ka na pala. Sorry bumaba lang kami ni Alex para doon maghapunan. Tapos nakita ko kaibigan ko. Isinama ko na rito para mapakilala kita. Martin, this is my son Theo." Lumapit ito sa akin at nakipagkamay. 

"Nice to meet you Theo!" Mukhang ka-edad nga ito ni Dad. Hindi ko alam pero parang familiar siya sa akin. Nalaman ko na elementary pa ako ng huli silang nagkita ni Dad dahil sa Amerika pala ito nakatira. Pagkaraan ng humigit kumulang trenta minuto ay nagpaalam na ito. 

"Hope you get better soon Theo and again, I'm happy to finally meet you." Muli itong nakipagkamay sa akin. Nasa ganito kaming posisyon ng pumasok si Baste. 

"Good evening po Tito!" Bati nito kay Dad. Mukhang nagulat pa ito ng makita ang kaibigan ni Dad. 

"Good evening hijo. By the way, this is Martin, kaibigan ko. Martin, this is Sebastian, kaibigan ni Theo." Nagkamayan silang dalawa. Tahimik lang silang pareho at nakatingin sa isa't isa. "Anyway, ihatid ko na muna siya sa baba. I'll be back." Dagdag ni Dad.

"Uy! Okay ka lang?" Tanong ko kay Baste dahil tahimik ito at mukhang nakakita ng multo ang itsura. 

"Ha? Oo naman. Sorry. Naisip ko lang, may nakalimutan pala ako sa kotse ko. Kunin ko lang. I'll be back." Sabi niya bago tuluyang lumabas ng kuwarto. Naiwan lang kaming tatlo ng bestfriends ko rito. Naglaro na lang kami ng dalang baraha ni Alex. 

Pagkatapos ng ilang minuto ay bumalik na si Dad. Si Baste naman ay lampas isang oras bago nakabalik. Potek! Saan ba nakaparada ang kotse niya at ganun siya katagal nakabalik? O baka naman umiskor pa sa baba.

Mabilis lumipas ang oras at katulad kahapon ay sabay umalis sina Caleb at Dad. Si Alex naman ay nagstay pa hanggang alas onse bago ito nagpaalam. Sinabi ko kasing matutulog na ako. Kaming dalawa lang ulit ni Baste ang naiwan dito. 

"Dito ka na kaya matulog. Kasya naman tayong dalawa dito sa kama eh." Alok ko sa kanya. 

"Naku huwag na. Ayos na ako rito. Baka masagi ko pa ang sugat mo at saka baka hindi ako makapigil eh." Sambit niya. 

"Okay. Ikaw bahala. Good night!"

"Good night din. See you in my dreams." Potek! Last time na sinabi niya iyon ay napanaginipan ko talaga siya kasama ng ex niya. Ano na nga pala update sa mokong na yun? Saka ko na uusisain kay Baste. 

Minsan ay nagigising ako kapag chine-check ako ng aking nurse at binibigyan ng gamot. Pero madali rin naman akong nakakatulog ulit. 

"Stable naman ang vital signs mo at walang signs of infection. Makakauwi ka na mamaya. I'll have them process your discharge papers. Just try to continue eating soft foods then slowly go back to normal foods. Iwasan mo din magbuhat ng mabibigat. Heto ang list ng mga dapat mong gawin at iwasan. You should be back to normal in one to two weeks. Then, I need to see you in two weeks sa clinic ko for follow-up unless sumakit ulit ang tiyan mo, contact me sooner. " Sabi ni Dr. Reyes. 

"Salamat po Doc." 

"Una na ako. Have a good day Dr. Olivarez." Bati niya kay Dad ng makipagkamay ito sa amin bago siya umalis. 

During lunch time ay bumisita ulit si Caleb at ang iba kong katrabaho. Sinabi ko na rin sa boss ko na hindi muna ako makakapasok ng at least 2 weeks para makarecover sa aking surgery. Ayos lang naman daw. 

Pagkaalis ng aking mga bisita ay naghanda na ako sa aking pag-uwi. Nagpalit na ako ng damit at inayos ang aking mga gamit. 

Alas quatro na ng hapon na maayos ang aking discharge paperwork. Sinundo kami ni Alex at inihatid kami ni Dad sa aking bahay. After staying sa hospital ng dalawa't kalahating araw ay masasabi kong na-miss ko itong bahay ko lalong lalo na ang kama ko. Pagkatapos magrelax ay nagpadeliver na lang kami ng dinner. Dumating na rin sina Caleb at Baste at sinamahan kaming kumain ng Chinese food na inorder namin. Noodle soup lang aking kinakain. 

Pagkatapos kumain ay tumambay lang kami sa living room. Nanood ng TV. Nagkwentuhan. Nagtawanan. Naglabas na rin ng wine sila pero hindi ako uminom. Nang lumalim na ang gabi ay nagpaalam na rin ang aking mga kaibigan at naiwan kami ni Dad dito sa bahay. Natulog si Dad sa isang guest room. 

Lumipas ang ng araw at nagpatuloy lang ako sa pagrerelax at hindi katagalan ay nakakarecover na ako. Medyo masakit pa ang aking tiyan dahil sa surgery pero tolerable naman. Nakakakain na rin ako ng regular food ng walang problema. Nakakaligo na ulit ako at pinapalitan ko ang wound dressings sa aking sugat araw-araw. After two days of being home ay bumalik na rin si Dad sa bahay niya sa Anilao. Nakita naman niya kasi na okay na ako at wala na siyang dapat ipag-alala. Besides, andito naman sina Alex if ever kailangan ko ng tulong. Gabi gabi ay andito silang tatlo para bisitahin ako.

Madaling araw ngayon ng Linggo. Maaga ako nagising at hindi na ako dalawin ng antok. Naisip kong mag-drive at puntahan si Dad sa bahay niya at doon na ipagpatuloy ang aking pagpapahinga. Makatulong rin ang fresh air sa tabing dagat.

Nag-ayos na ako ng aking mga dadalhin. Inasikaso ko na rin ang mga pagkain at gamit ni Bangky. Ipapa-check ko na lang siya kay Alex in case matagalan ako sa Batangas. 

Alas quatro quince ng umaga ako nagsimula magdrive papuntang Anilao. Dahil walang traffic ay maaga ako nakarating sa bahay ni Dad. Napansin ko ang isang nakaparadang kotse sa labas ng bahay nito. Nakita ko ang kotse ni Dad kaya sigurado akong hindi sa kanya ito. Nakita ko si Manang na nagdidilig ng ng halaman sa garden.

"Good morning Manang. Gising na ba si Dad? At kanino yung kotse na yun?" Tinuro ko kanya ang tinutukoy ko.

"Magandang umaga Theo. Nabalitaan ko ang nangyari sa yo. Mabuti naman at okay ka na. Sa kaibigan ng Daddy mo yung kotse at natutulog pa yata si Sir ngayon." Sagot nito. 

Pumasok na ako sa bahay at inilagay ang aking mga dalang gamit sa aking kuwarto. Naisipan kong katukin at silipin si Daddy. Ngunit hindi ko inaasahan ang makikita ko. May katabi siya ngayong natutulog sa kama at nakayap ito sa kanya. Potek! Isinara ko na bigla ang kanyang pinto at bumaba na. Nagpunta na lang ako sa may dalampasigan at umupo sa buhanginan habang nakatingin sa karagatan at iniisip ang aking nasaksihan. 

Sino ang katabi ngayon ni Dad sa kama at nakayakap sa kanya?






Itutuloy...

 

No comments:

Post a Comment